“She believed she could do it, so she did.”

Tuesday, March 6, 2012

Meron akong isang Mundo


Meron akong isang mundo, tahimik ito at minsan magulo
Meron akong isang mundo, dito panatag ako at ako ay totoo
sa mundo ko lahat ay makulay datapwat totoong buhay minsan’y sablay
ang maliwanag na dilaw nangingitim walang ibang maaninag kundi dilim

sa kadahilanang ako’y bahagi ng mundo hindi mapigilang kahit ang aking binuo
minsan ay nagagayang walang kulay rin binabalot ng ulap na makulimlim

Meron akong isang mundo at ako ay doon nakatago
nagkukubli, nagmumuni, hinihintay ang aking naglalakbay na sarili
doon lang ako nakaupo, nakatingala sa langit at malayong dako
puso ko ay taimtim na humihiling, mga  mata masuwerteng hindi nakapiring

Meron akong isang mundo, dito ay nakakapag isip ako
Pinupuno ng ngiti ang bawat sulok kahit sa labas ay nakalugmok
tahimik lang akong nakikinig, sa bulong ng hangin at sa himig
pinakikinggan ang isip ko na may sariling tinig.

Mga ninanais ng isip na iparating, sa sulat idinadaing
Waring piping ang alam lamang gawin, sumenyas at umiling
Hindi ako makata alam ko, mundo ko ay binabalot lang ng alaala
Sa mga sulat kong mahiwaga nalalabas, mahalagang damdaming hindi masalita

Meron akong isang mundo, ninanais punuhin ng letra at artikulo
Kasama ng mga walang kabuluhang litrato, ako lang ang nakakapagtanto
Ninanasang maintindihan ng iba, kung ano nga ba ang nasasaloob
Subalit may puso rin ako, nadadapa at hindi palaging malakas sa harap niyo

Meron akong isang mundo, gusto kong palaging maging makulay ito
Gusto kong ipinta at iguhit sa globo, kung ano nga ba ang buhay ko
Nais kong ang nakikita ko ay siya ring makita mo
Ang nagpapangiti sa kin ay siya ring magdala ng kulay at ngiti sa iyo

Sa mundo ko lahat ay halo halo, binabalot ng hiwaga at ng kung ano
Marahil alam mong hindi ako perpekto, malayo at nahihibang na siguro ang ulo
Ngunit maging ang mga luha ko ay may kulay na nais ring ipabatid
Sa bawat patak nito, binibigyan ko ng kabuluhan ang buhay ko

Di lang basta lungkot at pait, kundi mga obrang sa gitna ng hinagpis lamang napipilit
Meron akong isang mundo, at dito nagkukubli kung ano nga ba ang totoo.

No comments:

Post a Comment